Mainit na Yakap ng Hamog: Ang Paglalakbay ni Erick sa Tagaytay

Makulimlim man ang kapaligiran noong ika-20 ng Enero, mga bandang hapon, hindi naman nito naapektuhan ang makulay na damdaming namumutawi sa aming mga mag-aaral na nagtitipon-tipon sa paaralan. Bakas na bakas sa mukha ng bawat isa sa amin ang pagkasabik na bumiyahe at bumuo ng panibagong makabuluhang alaala sa gagawing paglalakbay sa Tagaytay City. Bagama`t ang pangunahing layunin ay sumabak sa Regional Schools Press Conference hindi maiiwasang ang pagkakataon ding ito ang magsilbing daan upang mapalawak ang kaalaman sa lugar na patutunguhan at mapaunlad ang sarili gamit ang mga karanasang nakahain sa daan.

Dala-dala kami ng malalaking puting van patungo sa aming destinasyon. Mahigit 30 minuto simula sa aming paaralan ang biyahe patungong Balanacan Port. Gabi na ng kami ay makasakay sa barko at medyo masama pa ang panahon noon. Paglapag namin sa Dalahican Port ay agad na rin naman kaming pumasok sa aming sasakyan. Mga ilaw na lamang sa daan ang gumagabay sa amin upang matunton ang patutunguhan. Ang mga bahay na tila umaakyat pataas ng bundok ang nagsisilbing batayan ko kung malapit na kami sa Tagaytay. Hindi maitatangging sa lungsod na ito ay ganap nang nabubuhay ang urbanisasyon. Tatlong oras sa dagat at mahigit dalawang oras naman sa lupa ang aming biniyahe, 168 kilometro mula sa Mataas na Paaralang Pambansa ng Marinduque hanggang sa Angels Hills Retreat and Formation Center na aming tutuluyan. Dumating kami sa Angels Hills ng madaling araw at nakatutuwang agad at mainit kaming tinanggap ng mga staffs dito kahit na hindi pa nagsisimula ang accommodating hour para sa aming mga kalahok ng kompetisyon.

Kinaumagahan, kahit tanghali na kami nagising ay ang malamig pa rin na simoy ng hangin ang bumungad sa pagkabukas ng malaking pinto sa dalawang palapag na bahay na aming tinutuluyan. Nagtungo kami sa labas ng center upang maghanap ng makakain at agad na nalanghap ang aroma ng lugaw. Sa halagang Php10,00 ay naibsan ng masarap na aruskaldo ang aking gutom. Sa kabilang banda, sa unang pagkakataon naman ay naranasan kong makasakay ng E-trike patungo sa bayan. Nakamamangha sapagkat ang sasakyan na ito ay laganap na sa buong Tagaytay at ang maganda pa rito ay wala itong naiaambag sa pagkalala ng polusyon sa hangin.

Sa kinatatayuan ng center na aming tinutuluyan, tunay na nakapagbibigay ang kapagligiran nito ng kapayapaan sa isipan sa tuwing pagmamasdan namin ang naglalahikang pine trees at ang abot-kamay na hamog tuwing gabi. Napakalamig at sa bawat paglabas ay nangangailangang nakabalot ka sa jacket o malong na magpapainit sa iyong katawan.

Nagtungo pa kami sa tinatawag na People`s Park in the Sky na mahigit 20 minuto ang layo mula sa Angels Hills. Sa halagang Php30.00 ay maaakyat mo ang tila bundok na nababalutan ng hamog at sa tutktok ay madadatnan ang lumang tore, hugis pinyang shed at ang wishing well na hinulugan ng barya ng aking mga kasama. Dagat ng hamog ang matatanaw mula sa tuktok kaya hindi namin ganun na-enjoy ang tanawin sa aming kinatatayuan. Dagdag pa rito, nagtungo kami sa SkyRanch na halos 20 minuto rin ang layo mula sa People`s Park. Sa aming pagpasok dito, bumungad agad sa amin ang tindahan ng mga pasalubong na pagkain at fashion accessories. Noong una ay medyo mahamog pa ang paligid pero nang matagalan na kami sa paglilibot-libot ay hinawi na ng hangin ang hamog na tumatabon sa magandang tanawing inihahain ng lugar. Sa halagang Php100.00 ay matatanaw mo na ang bunganga at kinatatayuan ng Bulkang Taal.

Balik sa kompetisyong aming sinalihan, dito ay nakakilala kami ng mga taong nagmula pa sa Ilocos na nagsilbing mga hurado. Nakatutuwa sapagkat pagkatapos ng aming presentasyon sa broadcasting ay nagkaroon pa ng briefing upang ipaabot sa amin ang mga maaari pang isaayos sa pagbabalita. Mayroon din kaming nakausap mula sa Oriental Mindoro na kapwa namin broadcaster. Nakatutuwa sapagkat tila kinakabahan din sila sa amin matapos magtanong kung ilang minuto ang aming presentasyon.

Limang araw din kami sa Tagaytay. Pagkatapos ng awarding ceremony sa huling araw, nakatanggap kami ng ikalawang karangalan na isang hakbang na lamang ay kampiyonato na. Noong una ay nakalulungkot at nakadidismaya sapagkat alam ko sa aking sarili na ginawa ko ang lahat pero bakit tila hindi pa rin sapat. Sa mga oras na nililisan na namin ang Tagaytay, tanging ang pagaspas na lamang ng mga sasakyan sa daan ang nagpapaingay sa katahimikan. Doon ko napagtanto na gaano pa man kabigat at karami ang sakripisyo at dedikasyong iyong ibinigay para sa pangunahing layunin, nararapat na tandaan na nakamit mo man ito o hindi  may mga mas mahahalaga bagama`t maliliit na pagtatagumpay pa ring naaabot tulad ng disiplina sa sarili.

Mga ala-sais na rin ng umaga nang ako ay makauwi sa amin. Agad din naman akong tumulog dahil sa pagod at puyat sa biyahe. Mahigit siyam na libong piso man ang aking nagastos para sa paglalakbay, sulit naman ito dahil sa mga aral na natutunan. Ang Tagaytay ay lugar kung saan ang hamog na bumabalot sa kabundukan ang nagbibigay ng init sa damdamin at kaluluwa upang maramdaman ang kapayapaan.

Design a site like this with WordPress.com
Get started